Ang Lalaki sa Kabila ng Kalsada
Lagi kong pinagmamasdan
ang lalaki sa kabila ng kalsada.
Siya, na ang matatag na tindig
balaning umaakit ng pagtatangi
sa mata kong umaapuhap ng silahis
malikmatang araw sa asero
lumalabay na bisig niyang
buong buo, hindi tulad ko:
Binibilang ang bawat pitik sa dibdib
sa mga sasakyang yumayao’t parito sa lansangan.
Lumulutong bawat niyang halakhak
pagsilip ng ngiti sa maamong mukha
ng babaeng kasama niya roon palagi,
halik sa siphayong pumipintig
ang tinig niyang lumulunod
Sa magaspang na pag-ungol ng bawat
sasakyang umarangkada papalayo sa akin.
At habang kanyang kinakalong
panganay ng pakikipagtalad sa mga ulap
nag-aanyaya bawat niyang ngiti
pinatingkad ng sikat ng araw
sa nangungusap niyang mga mata
habang lumalabo ang aking paningin
Nilalambungan ng makapal na usok na naiiwan
ng bawat sasakyang pumapaspas na lumisan.
Maiksi lamang ang pagitan
tuwing aking pinagmamasdan
Ang lalaki sa kabila ng kalsada
nitong aking pagkatao
Ngunit sa bawat kong pagpupumilit na humakbang
hinihila akong pabalik ng aking kahubaran
nilligis, dinudurog sa sementong lansangan
Upang sa aking kanlungan
ako’y mapaatras.
~ Victory Terminal EDSA, Quezon City. 1997
a.m. ociones