birthday ko

November 29th, 2008 by droidz

birthday ni andres bonifacio bukas. at feast of st. andrew. at dahil sila ang ka-birthday ko, obvious ba na ‘yun din ang pangalan ko.

nung bata daw ako, lagi daw binibigkas ng isa kong Tito ang tulang ito:

Andres Bonipasyo, atapang a-tao.
‘Aputol a’ kamay, hindi ‘atakbo.
‘Aputol a’ paa, hindi pa rin ‘atakbo.
‘Aputol a’ utin, ‘atakbo ‘atulin
!

Well, bata pa ako nun. Wala akong malay, palagay ko kwento lang ‘yun ng matatanda.

Pero dahil birthday ko, siempre may celebration. Dahil feast of St. Andrew sa Scotland, imbitado kayong lahat. Kanya-kanyang pamasahe lang. Huwag nyo na lang ako tanungin kung saan ang venue kasi kahit ako, hindi ko alam.

Siempre, handa na ang cake ~ cupcakes in 30 different shapes and colors, each representing a year ng aking true age. Ha? Kulang ba yung 30? Me pasobra yung 10 pieces siempre, for contingency.   

At balloons. Maraming-maraming balloons - plastic balloons. Blow your own balloon. Me parlor game: palakihan ng balloon.

Darating daw ang Boyoyong Clowns, kaso busy si Jose Manalo sa kanyang bagong pelikula, kaya iba na lang daw ang pinapunta. Baka lang daw ma-delay dahil na-traffic sa Somalia ang cruise ship, ang M/V Sirius Star. May booking daw kasi sila doon.

Siempre me magic show. Yung kalapati ilalagay sa hat, tapos pagpitik ng magic wand magiging turkey. Kailangan dressed na yung turkey, kasi yung ang main course.

Pero actually, hindi ako nagse-celebrate ng birthday. The last time na nagkaroon ako ng birthday celebration ay nung mag-21 ako. Kaya ngayon, 17th anniversary na lang aking ise-celebrate~ the 17th anniversary of my 21st birthday.

Cheers!

overwhelmed

October 20th, 2008 by droidz

As usual, I am overwhelmed. Hindi na naman makatulog. Nagsisimula na namang kumati ang talampakan, sa eczema. Ganun naman parati.

It usually takes me some time to absorb everything. The previous life I had has thought me to be cautious of every step, responsibility I take.

But the things that have been happening to me lately are like that big, and frankly, as old as I am, I am not ready. Am I worthy? I ask myself. Why me? I ask myself more. DO I have a choice?

But I know this is the Lord’s will and so, here I am throwing myself in, head up.

I am turning a new leaf…

limos

January 22nd, 2008 by droidz

lahad ang palad ng umaga,
sa dampi ng hamog, nag-aabang
hanggang takip-silim, walang dumating

~ tula ni a.m. ociones
~ nilikha sa saudi arabia, 2005.

Saudi Pasko

December 24th, 2007 by droidz

(A Comment For Mahal na Reyna’s
Mary, this Christmas, I want you to know this…)

merry christmas, reynz. its 1:59 PM in Pinas, 8:59AM here in jeddah, saudi arabia.

was finally able to talk to my sister at home a few minutes back. my mom and utol was asleep (probably because they bored themselves to death waiting for my call which wasn’t able to get through on Christmas eve).

but at 7pm (12mn in Pinas) on Christmas eve, I was on my way to the hospital, for the last appointment with the doctor who removed my gallbaldder a few days back on 17th December. siempre, I was alone just as I was when I admitted myself for the operation. was even mostly alone for two days while recuperating until the flatmates visited after work and my SFC brothers brought me home. but then this is life here in KSA.

my flatmates prepared pancit bihon and samoli (bread na pahaba) last night but they went somewhere else to spend Noche Buena. so I was determined to eat the meager fare alone if not for Christian and two other Bicolano friends (who I met for the first time) who came over to eat with me.

its even lonely today in the office (only one out the four executive rooms around me is open yet). do they know its Christmas? siempre hindi.

well at least, on your side of the world, one can stare at the frosty window, hopefully with snow falling outside and flames clicking on the fireplace. and a tear drops while somebody on the radio croons:

"chestnut roasting on an open pyre…
kids dressed like Eskinol…
Yuletide carolers being strung on a wire…
you’ll find it hard to sleep tonight…"

(nyeh! naging Halloween…)

dito kasi walang snow! besides, we overseas Filipinos can’t afford na mag-sentimiento.

merry christmas, everybody. we sometimes have to endure being alone to know ourselves more.

kaya tuloy lang ang trabaho. saka na ang Pasko-Pasko… pag nakauwi na ulit sa Pinas. cheers!

Pahimakas sa Apoy

October 7th, 2007 by droidz

1.
mangangarap
ang buwan
hihimlay sa tamis
ng iyong mga bisig
yakap ng buong higpit
mga bituin, upang
iduyan ka sa hangin

at aawit ng oyayi
ang mga kuliglig
sa kaparangan

2.
sasanib sa hangin
hihimlay sa naiwang abo
ang pinagsaluhang apoy

~ 1991, 1997
~ by A. Mangampo Ociones

Kay Li Po*

August 12th, 2007 by droidz

Pagkat tulad mo,
inaanyaya ako ng dakilang musa
hinahayuma ng mga lirang
tinitipa ng hangin
sa linang; sumibol
sa sinapupunan ng nayon
malayo sa dampulay
ng magagarang palasyo
ng mga emperador; hindi
sa alagatang tumatayog
nagkakaroon ng silbi
itong aking panulat.

Kaya’t halina, uminom tayo
languin natin ang ating panulat
sa katubusan ng maralita
silang inaagawan ng pawis
ng mga panginoon.

Ngunit hindi tulad mo,
hindi ako nangangarap
makipagpingki ng balikat
sa mga dakila at pinili
mga emperador ng bawat panahon
upang umani ng kanilang mga palakpak;
pagkat itong aking panulat,
natitiyak kong hindi nila ikakatuwa.

Kaya’t halika, uminom tayo
sa batis ng mithiin ng mga anakpawis -
Magsikap tayong tumula
ng pag-ibig, pag-aalay
sa musa ng paglaya.

~ Enero 1998
a. m. ociones

—————————————
*Li Po, Ancient Chinese poet (701–762 A.D.) also Romanised Li Pai, Li T’ai-po, etc.

Buong Muli

August 5th, 2007 by droidz

inutil. walang silbi, ang mga salita
hangin lamang na nagdaraan, sa mga mata ko
kahit anong pisil sa gatilyo ng baril na tangan
walang punglo na handang lumaban

pagod. hindi kayang tumindig
ang tinig ko, paos upang salagin
lagalag na hangin; salitang napipilan
sa baril ko tumatahan.

basag. lamat sa pagkatao’ng bumabakat
ang bawat pisil sa gatilyo, punglong
sumasabog sa dibdib ko ang bawat kataga
katotohanan, aminado, oo, kasalanan ko

ang lahat! walang maitatago.
ako ngayo’y disyertong malawak,
buhanging isinasabog ng hangin
lunggati ko’t pangarap.

lahat? lahat! inutil, pagod, basag
iputok man sa kaaway gatilyo at punglo
pipinsala lamang, hindi magbubuo
muli, hindi na mabubuong muli.

~ a.m. ociones
~ September 2004

Ressing

August 5th, 2007 by droidz

Hihimlay akong haplos ng mga talulot ng tanduyong
Pinagtiyagaan nating himayin nang buong magdamag
At yakap ng iyong mga titig, habang hinihimay ang mga salita.
Idinuduyan ako ng iyong malamyos na tinig,
Nagpapainit sa gabing malamig tulad ngayon,
Pinuyat natin ang gabi, para sa bukang-liwayway.

Hahagkan ako ng malagkit na inangit
Pinakahalu-halo nating maigi sa pulot,
Upang ikumot, ang bawat salita, bawat kuwentong
Bumigkis nang pagkahigpit
Sa bawat palito ng binhing hinimay,
Pinutulan ng dahon, Inalisan ng maitim na mantsa;
Sinuklayan ng tuyong dahon.

Sa wakas, na-ressing nang lahat ang binhi.
Handa na ang latag para sa ating dalawa.
Napatubigan na rin ang pinitak.
Matulis na ang asad. Kaya’t halika, halika na,
Makikipagtalad tayong muli
Sa lupa, sa pagtatanim ng sibuyas, at
Pagsilang ng bagong araw.

~ Disyembre 1994

Bokabularyo:

Ressing: paghihimay ng binhi (paghahanda para sa pagtatanim) ng tanduyong, karaniwang ginagawa nang buong magdamag, kasi malalanta ang binhi kapag pinagtagal pa bago maitanim.

Tanduyong: variety ng sibuyas, more popularly known as sibuyas tagalog (yung sariwang dahon nito ang ginagayat at isinasahog sa goto).

Inangit: malagkit na isinaing sa gata ng niyog at nilagyan lang ng asin)

Palito: bawat stick ng binhi ng tanduyong

Latag: pagtatamnan ng tanduyong ~ palayang pinaggapasan na pinatuyo at nilatagan muna ng dayami

Pinitak: parsela ng bukirin o palayan

Asad: ginagamit para lagyan ng butas ang lupa sa latag kung saan isu-shoot ang palito ng binhi

Dagdag pang mga tala: Sa Hilagang Nueva Ecija (halong Tagalog, halong Iluko), kapag ang binata ay nagpasya nang mamuhunan sa pagtatanim ng sibuyas, ibig sabihin, mag-aasawa na ito pagdating ng anihan. Karaniwang nakukumpirma ng madla ang relasyon ng binata at dalaga sa paghahanda ng binhi.

Ang Lalaki sa Kabila ng Kalsada

July 28th, 2007 by droidz

Lagi kong pinagmamasdan
ang lalaki sa kabila ng kalsada.

Siya, na ang matatag na tindig
balaning umaakit ng pagtatangi
sa mata kong umaapuhap ng silahis
malikmatang araw sa asero
lumalabay na bisig niyang
buong buo, hindi tulad ko:

Binibilang ang bawat pitik sa dibdib
sa mga sasakyang yumayao’t parito sa lansangan.

Lumulutong bawat niyang halakhak
pagsilip ng ngiti sa maamong mukha
ng babaeng kasama niya roon palagi,
halik sa siphayong pumipintig
ang tinig niyang lumulunod

Sa magaspang na pag-ungol ng bawat
sasakyang umarangkada papalayo sa akin.

At habang kanyang kinakalong
panganay ng pakikipagtalad sa mga ulap
nag-aanyaya bawat niyang ngiti
pinatingkad ng sikat ng araw
sa nangungusap niyang mga mata
habang lumalabo ang aking paningin

Nilalambungan ng makapal na usok na naiiwan
ng bawat sasakyang pumapaspas na lumisan.

Maiksi lamang ang pagitan
tuwing aking pinagmamasdan

Ang lalaki sa kabila ng kalsada
nitong aking pagkatao

Ngunit sa bawat kong pagpupumilit na humakbang
hinihila akong pabalik ng aking kahubaran
nilligis, dinudurog sa sementong lansangan

Upang sa aking kanlungan
ako’y mapaatras.

~ Victory Terminal EDSA, Quezon City. 1997
a.m. ociones

Patak

July 22nd, 2007 by droidz

Sunud-sunod, hanay-hanay
Tila mabalasik na mga mandirigmang
Nagmamartsa patungo sa labanan
Ang himay-himay ng karanasan
Maling hakbang o daplis na pananaw
Kongkretong igpaw at munting tagumpay
Sa isipan ko’y lumilinaw
Sunud-sunod, hanay-hanay
Nagmamartsa sa bubungan
Ng munti kong tahanan
Ang mga patak ng ulan.

~ March 1997
a. m. ociones